November 26, 2025 | News by PISD

𝗧𝗿𝗮𝗯𝗮𝗵𝗼, 𝗧𝗶𝘆𝗮𝗴𝗮, 𝗧𝗮𝗴𝘂𝗺𝗽𝗮𝘆:
𝗛𝗮𝘁𝗶𝗱 𝗻𝗴 𝗝𝗼𝗯𝗦𝘁𝗮𝗿𝘁 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲𝘀 𝗣𝗿𝗼𝗴𝗿𝗮𝗺
26 Nobyembre 2025, Lungsod ng Calapan — Matagumpay na idinaos ang Grand Graduation ng JobStart Philippines Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA katuwang ang Provincial Public Employment Service Office (PPESO), ngayong araw sa Mangyan Hall sa Kapitolyo.
Dumalo sa naturang seremonya ang 21 mga kabataan na nakapagtapos ng Technical Training at Internship na bahagi ng JobStart Philippines Program.
Pinangunahan nina Ramezes R. Torres Officer-in-charge Senior LEO at Emerito A. Narag, Ph. D. Assistant Regional Director ng DOLE, at Sofia Ala Logmao, SLEO-PPESO, ang paggagawad ng sertipiko, na pawang nagbigay-pugay sa pagsisikap ng mga nagsipagtapos.
Nagpadala rin ng mensahe si Patrick P. Patriwiran, Jr., Director of Bureau of Local Employment (BLE) sa pamamagitan ng isang video message upang maiparating sa mga JobStarter ang kanilang pasasalamat sa pagkamit ng tunay layunin ng JobStart Philippines Program na makalikha ng mas magandang kinabukasan para sa lahat.
Nakilahok sa gawain ang 19 partner employers, kabilang na ang iba’t ibang mga lokal at pribadong kumpanya at institusyon sa lalawigan na nagsilbing host companies para sa on-the-job training at employment opportunities ng mga kalahok.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, ipinahayag ng DOLE MIMAROPA at PPESO ang kanilang patuloy na suporta sa mga kabataan ng lalawigan sa pamamagitan ng mas marami pang programang pangkabuhayan at pang-empleyo.
