November 24, 2025 | News by PISD

Isinagawa ngayong umaga ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Scenario Building bilang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan kaugnay ng Tropical Drepression Verbena.
Pinangunahan ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Chairperson Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang naturang pagpupulong, katuwang sina Vice Governor Antonio S. Perez, Jr. at PDRRM Officer Vinscent B. Gahol.
”Bagaman mababa ang tsansa na maitaas sa typoon category ang Tropical Depression Verbena ayon sa PAGASA, we have to be prepared,” ang mensahe ni Gobernador Bonz.
Iniaatas niya ang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa flood prone areas at mga kritikal na lugar sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Hiniling naman ni PDRRM Officer Gahol sa mga MDRRMO sa bawat bayan ang maayos at patuloy na koordinasyon sa kanilang tanggapan upang matiyak ang iisang pagkilos.
Ayon sa 11:00 AM weather bulletin ng DOST-PAGASA, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro.
Inaasahan din ang malakas na pagbuhos ng ulan ayon sa 24-hour rain forecast. Kanselado na rin ang byahe ng mga sasakyang pandagat sa lahat ng pantalan sa lalawigan.
Abangan ang iba pang opisyal na mga anunsyo ukol sa lagay ng panahon.
