Mahigit P2.3M tulong pinansyal, kaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa pulisya

November 18, 2025 | News by PISD

Personal na ipinagkaloob ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang mahigit Php. 2.3M tulong pinansyal sa lahat ng Police Stations sa bawat bayan at lungsod na sakop ng Oriental Mindoro Provincial Police Office (OrMin PPO) at PNP Regional Office MIMAROPA ngayong ika-18 ng Nobyembre.

Bahagi ito ng patuloy na pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga kapulisan upang higit pa nilang magampanan ang kanilang tungkuling gawing ligtas ang mga mamamayan na makakapamuhay, makapagtrabaho, maglakbay at magnegosyo.

Lubos ang naging pasasalamat ni Provincial Director PCOL Edison V. Revita dahil aniya sa tuluy-tuloy na tulong na natatanggap nila mula sa Pamahalaang Panlalawigan.

“Walang magiging effective na pamamahala kung walang stable na peace and order sa lalawigan.” Ito ang binigyang diin ni Gob. Dolor sa kanyang mensahe kung kaya’t patuloy aniya niyang sinusuportahan at ibinibigay ang mga pangangailangan ng kapulisan sa lalawigan.

Patunay ito ng matatag na ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga tagapagpatupad ng batas tungo sa mas maayos at ligtas na lalawigan.

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0334GWrbShebRZP1gQ7MXRsz9GLhuFJci8DbgWuDGYk1wCfWUhcs3pAnpcbD6XTGAjl?rdid=kVzncyroRMXwndQx#

Scroll to Top