November 15, 2025 | News by PISD

Higit na nangibabaw ang tunog at musikang ipinamalas ng CIGFI Rhythm Ensemble ng San Teodoro Central School mula sa bayan ng San Teodoro na itinanghal bilang kampeon sa Tunog Mindoro Drums and Glockenspiel Band Competition.
Ito ay isa sa mga tampok na gawain sa ng pagdiriwang ng ika-75 araw ng lalawigan ng Oriental Mindoro ngayong ika-15 ng Nobyembre.
Bukod sa tropeo, tumanggap din sila ng Php. 500,000.00 na papremyo at Php. 200,000.00 na pambili ng band equipment mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Ang gantimpalang ito ay magkatuwang na ibinigay nina Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor at Bise-Gobernador Antonio “CA Jojo” S. Perez Jr. Bukod dito, tumanggap din sila ng Php. 10,000.00 halaga ng voucher mula sa Jolly Waves Water Park and Resort Calapan.
Sa kabuuan, naging lubos na makulay at puno ng sigla ang naging pagtatanghal ng 10 grupo mula sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan.
Nakuha ng Old Town Pride Drums and Glockenspiel Band ng Lumangbayan Elementary School na mula sa pa rin sa bayan ng San Teodoro ang ikalawang (2) pwesto at tumanggap ng Php. 300,000.00. Sila rin ang itinanghal bilang Most Disciplined Group na nakatanggap ng karagdagang Php. 30,000.00 at Php. 7,000 na halaga ng voucher mula sa Jolly Waves.
Samantala, nakuha naman ng Harmonic Blazers ng Magdalena Suyom Memorial School ng bayan ng Bongabong ang ikatlong (3) pwesto na tumanggap ng Php. 200,000.00. Mayroon din silang voucher mula pa rin sa Jollywaves na halagang Php. 5,000.00.
Itinanghal namang Best Color Guard at Best in Uniform ang The Harmony Band ng Pakyas Elementary School ng bayan ng Victoria na tumanggap ng Php. 60,000.00.
Ang mga hindi naman pinalad sa kumpetisyon ay nakatanggap ng Php. 50,000.00 na participation incentive at karagdagang Php. 20,000.00.
Ang patimpalak ay hindi lamang naglalayong magbigay-aliw sa mga manonood kundi upang mahikayat din ang mga kabataan na higit pang tuklasin at pagyamanin ang kanilang talento sa musika at sining – mga mahahalagang bahagi ng kultura ng lalawigan.
Higit pa sa kumpetisyon, ito ay isang selebrasyon ng mayamang kultura, komunidad, at ang 75-taong paglalakbay ng lalawigan tungo sa pag-unlad.
Abangan ang opisyal na mga larawan.
