Oriental Mindoro Agricultural Fiesta 2025, laan sa mga magsasaka at mangingisda

November 12, 2025 | News by PISD

Inilunsad ngayong araw ang Agricultural Fiesta sa Provincial Demo Farm bilang bahagi ng mga gawain sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Fiesta MaHal TaNa, ang ika – 75 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan.

Pinangunahan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor katuwang si Vice Governor Antonio S. Perez, Jr. ang ribbon cutting ceremony bilang simula ng ng gawain na sinundan ng parada ng lechon.

Ayon kay Provincial Agriculturist Christine M. Pine, ang araw na ito ay sadyang inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda upang maipakita ang mayamang produktong agrikultural at pangisdaan ng lalawigan.

Pinasalamatan ni Gobernador Bonz ang pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan sa paglulunsad ng Agricultural Fiesta gayundin sa pagdiriwang ng Fiesta MaHal TaNa. Binigyang diin din niya ang mga pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisdang Mindoreño.

Naging tampok sa programa ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan na kinatawan ni Gobernador Bonz, at National Food Authority (NFA) sa pamamagitan ni NFA OIC Regional Manager Me-Anne C. Villaflor.

Nasasaad sa kasunduan na ang NFA ay mamimili ng palay sa mga magsasaka sa halagang P23 Pesos kada kilo at ang Pamahalaang Panlalawigan ang magbabayad ng upa sa warehouse na pag-iimbakan ng palay.

Nagpahayag din ng suporta sa gawain si Vice Governor Perez kasama ang mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP). Aniya, ang SP ay patuloy na sumusuporta sa mga programang tunay na mag-aangat sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Samantala naging bahagi naman ng pagdiriwang ang tagisan ng galing ng mga magsasaka sa mga inihandang palaro tulad ng Amazing Race; Kusina ng Magsasaka at Mangingisda, cooking competition, Pinaka (malaki…) sa kanilang mga produkto tulad ng niyog, kalabasa, kalamansi, gulay, isda, alimango at sugpo, videoke challenge at pagpili ng Best Performing LGU.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02sMcbAZw1yHMj5MRsedisjPB7ZMZwRfuwVqMeFYRGA5eYSb4C1e4R4mfhBoi4DRPAl?rdid=UExqddZK521zTy2b#

Scroll to Top