Mahigit 800 kilo ng iligal na karne, nasabat sa Calapan Port

November 12, 2025 | News by PISD

Tinatayang humigit-kumulang 800 kilo ng iligal na karne o “hot meat” nasabat sa Calapan Port

11 Nobyembre 2025, Lungsod ng Calapan – Nasabat ng pinagsamang pwersa ng Provincial Veterinary Quarantine Office at National Veterinary Quarantine Office, katuwang ang Philipine Ports Authority (PPA), Philippine Coastguard at Philippine National Police (PNP), ang mga kahon ng itinuturing na iligal na karne o “hot meat” sa isinagawang operasyon sa Calapan Port.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang driver ng truck ay walang naipakitang kaukulang dokumento para sa kargada nitong halos 800 na kilo ng karne. Ito ay malinaw na paglabag sa Provincial Ordinance No. 118 series of 2020 o Veterinary Quarantine Ordinance of Oriental Mindoro gayundin sa Republic Act 10536 o “Amended Meat Inspection Code of the Phils”, Department of Agriculture (DA) Administrative Order No. 05 series of 2019 na nagtatakda ng Guidelines on the Local Transport/Shipment of Animals, Animal Products and By-products, at iba pang issuances na kasalukuyang ipinatutupad sa lalawigan.

Batay sa panayam sa driver, ipinadala ito sa pamamagitan ng Lalamove papuntang Divisoria sa Maynila na idi-deliver sana sa isang palengke sa Lungsod ng Calapan. Nakita rin na ang mga kahon ng karne ay isiningit lamang sa pagitan ng ibang kargamento at hindi sa angkop na reefer van na may kinakailangang temperatura para rito.

Nakipag-ugnayan naman ang mga kawani ng ProVet para sa pagturn-over sa Calapan City PNP ng mga sinasabing iligal na karne para sa pagsasampa ng kaukulang kaso at nakatakdang pagbabaon nito para maiwasan ang posibleng kontaminasyon. Alinsunod ito sa proper disposal method ng DA na nakasaaad sa Administrative Order No. 05 series of 2019.

Muling nananawagan ang Provet sa publiko at mga negosyante sa mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa pag-aangkat, pagbibiyahe at pagbebenta ng mga produktong karne upang maiwasan ang paglabag at posibleng kaparusahan, gayundin ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit sa mga alagang hayop at maging sa mga tao.

#thecapitolnews

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02ZkAwo1tvvuUp2iatvKTWDAffAatrriKeEmdtmBom9osLPPHWBq9HKdfiALPpJmk1l?rdid=KzS7hVLFslmtMcf2#

Scroll to Top