November 11, 2025 | News by PISD

𝗛𝗶𝗴𝗶𝘁 𝟭𝟬𝟬𝟬 𝗽𝗮𝘀𝗮𝗵𝗲𝗿𝗼, 𝗻𝗮𝗶𝘁𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗖𝗮𝗹𝗮𝗽𝗮𝗻 𝗣𝗼𝗿𝘁
11 November 2025, Calapan – Ayon sa tala ng pamunuan ng Philippine Ports Authority Mindoro, umabot na sa mahigit 1000 ang bilang ng mga outbound passengers na pinapasok sa loob ng Calapan Port Terminal matapos ibalik sa normal na operasyon ang byahe ng mga barko ngayong araw.
Gayunpaman,hindi pa mabigyan ng ticket ang karamihan sa mga byahero sapagkat iisang barko pa lamang ang bumabyahe ngayong araw, partikular na dito ang FastCat na bumyahe na patungong Batangas Port bandang 10:30 ng umaga lulan ang 105 mga pasahero.
Ngayong araw din, inaasahan ang pagdating ng barko ng Montenegro na nakatakda namang magsakay ng mahigit 150 pasahero.
Samantala, patuloy pa ring inaantay ang ilan pang mga barko na magmumula pa sa kani-kanilang sheltering area, partikular sa mga probinsya ng Marinduque, Aklan, at iba pa.
Nakapila na rin ang ilang mga sasakyan at cargo trucks sa loob ng pier na patuloy pa rin sa pag-antabay sa oras ng kanilang byahe.
Patuloy namang tinitiyak ng pamunuan ng PPA Mindoro na komportable at ligtas ang mga pasahero habang nananatili sa loob ng terminal.
