November 11, 2025 | News by PISD

Sa kauna-unahang pagkakataon sa rehiyong MIMAROPA, itinalaga sa dalawang pinakamahahalagang posisyon ang Punong Lalawigan ng Oriental Mindoro.
Nitong nakaraang 08 Nobyembre, kasabay ng panunumpa ni Gobernador Humerlito A. Dolor bilang Chairperson ng Regional Development Council (RDC), iniatang din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang mga balikat ang mahalagang tungkulin bilang Chairperson ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ng MIMAROPA para sa terminong 2025-2028.
Ang magkasabay na paghawak sa mga nabanggit na posisyon ay malinaw na patunay sa tiwala at suporta ng Pamahalaang Nasyunal kay Gob. Dolor na pamunuan hindi lamang ang lalawigan, kundi ang buong rehiyon, partikular sa pagsusulong ng kaunlaran, kapayapaan at kaayusan sa mga islang lalawigan ng MIMAROPA.
Naging basehan ng pagkakahirang kay Gob. Dolor ang lawak at husay ng kanyang kakayahan at kasanayan sa larangan ng serbisyo publiko mula sa mahigit tatlong dekada niyang panunungkulan sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan sa Oriental Mindoro.
