November 9, 2025 | News by PISD

MANATILING LIGTAS AT MALUSOG SA MGA EVACUATION CENTER , PAALALA NG PHO
09 Nobyembre 2025, Lungsod ng Calapan – Nagpapaalala ang Provincial Health Office (PHO) sa pangunguna ni PHO II Dr. Cielo Angela Ante sa lahat ng evacuees na panatilihing ligtas at malusog ang kanilang sarili habang nananatili sa mga evacuation center, lalo na sa gitna ng pananalasa ng bagyong #UwanPH.
Ayon sa PHO, mahalagang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa loob ng evacuation center upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit. Kabilang sa mga paalala ng PHO ang palagiang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng facemask kung may ubo at sipon, pag-inom ng malinis na tubig, at pagpapanatili ng maayos na bentilasyon sa paligid.
Mahalaga ding tiyaking sapat ang nutrisyon ng bawat miyembro ng pamilya at agad na ipagbigay-alam sa mga health personnel kung may nararamdamang lagnat, ubo, o iba pang sintomas ng karamdaman.
Layunin ng paalalang ito na masiguro ang isang ligtas, malinis, at malusog na kapaligiran para sa lahat ng evacuees.
