November 8, 2025 | News by PISD

Ginawaran ng parangal ng Environmental Management Bureau (EMB) MIMAROPA ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa epektibong pagpapatupad ng Solid Waste Management Program sa buong lalawigan sa isinagawang 2025 Environmental Summit sa Park Inn by Radisson North Edsa noong ika-6 hanggang 7 ng Nobyembre.
Ang naturang parangal ay nagsisilbing patunay ng pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsusulong ng mga programang pangkapaligiran na nakatuon sa tamang pamamahala ng basura at pagpapanatili ng kaayusan ng kapaligiran. Sa ngalan ni Gobernador Humerlito A. Dolor, tinanggap ni OIC-ENRO EnP Lily May E. Lim ang plake ng pagkilala.
Bukod dito, tumanggap din ng parangal ang 8 pang bayan at lungsod sa lalawigan para sa kanilang mga natatanging inisyatiba sa iba’t ibang kategorya. Kinilala sa kategoryang Outstanding Practices in Community Eco-Engagement ang Lungsod ng Calapan, at mga bayan ng Roxas, Bongabong at Bansud. Ito ang mga bayan na nagpakita ng kasigasigan sa pagsasagawa ng mga programang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng komunidad.
Para naman sa kategoryang Outstanding Practices in Upcycling and Crafts Production, kinilala ang mga bayan ng Puerto Galera at Victoria sa kanilang pagkamalikhain sa paggamit ng mga recyclable materials bilang isang episyenteng hakbang tungo sa mas sustenableng kabuhayan at pagbabawas ng basura sa kapaligiran.
Kinilala din ang bayan ng Pinamalayan sa kahusayan ng kanilang Lokal na Pamahalaan sa pangangasiwa ng kanilang Materials Recovery Facility (MRF) sa ilalim ng kategoryang Outstanding Practices of Materials Recovery Facility (MRF) Operations. Mula sa paghihiwalay ng nabubulok sa hindi nabubulok, pagre-recycle, hanggang sa tamang pagtatapon ng basura ay maayos na naipapatupad sa naturang bayan.
Samantala, ang bayan ng Gloria ay nakatanggap din ng parangal para sa kanilang Outstanding Practices in Composting Operations. Patuloy nilang isinusulong ang proyektong nakatuon sa pagbabawas ng mga biodegradable waste sa pamamagitan ng paggawa ng mga organikong pataba sa mga halaman at pananim.
Personal na tinanggap ng ilang mga punumbayan ang plake ng pagkilala mula sa EMB MIMAROPA.
Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa pagiging disiplinado ng bawat mamamayan sa pangangalaga ng malinis at luntiang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtutulungan at aktibong partisipasyon ng bawat komunidad. Sa pamamagitan din nito, hinihikayat ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang mga inobatibong hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan.
