Pamahalaan, nagpaalala sa posibleng epekto ng Bagyong Tino

November 4, 2025 | News by PISD

Dahil nasa ilalim na ng Signal No. 2 ang katimugang bahagi ng Oriental Mindoro, partikular sa mga bayan ng Bulalacao, Mansalay, Roxas, at Bongabong, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko hinggil sa kahandaan sa posibleng epekto ng Bagyong Tino.

Kaugnay nito, maagang nagbigay ng abiso si PDRRM Officer Vinscent Gahol, alinsunod sa direktiba ni PDRRMC Chairperson, Governor Bonz Dolor.

Nobyembre 4, sa inisyatiba ng Provincial Government of Oriental Mindoro (PGOM), katuwang ang Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG)-Oriental Mindoro, inilikas nang mga responders ng PDRRMO ang stranded passengers mula Calapan Port patungo sa Sectoral Complex sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City, na nagsilbing temporary shelter habang suspendido ang biyahe ng mga barko.

Bunsod din nito ang pagkakaroon ng stranded rolling cargoes na nananatili sa holding area sa kahabaan ng Strong Republic Nautical Highway sa may bahagi ng Brgy. Sta-Isabel- Puting Tubig sa Lungsod ng Calapan. Sa update nito, as of 8:11 ngayong gabi, Nov.4, may kabuuang bilang ng stranded vehicles na 91 kung saan 77 ang truckings, 8 ang bilang ng trucking w/ perishable goods at 6 na private vehicles.

Bilang bahagi ng tuloy-tuloy na monitoring sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo, kinumusta ng PIO news team ang mga paghahanda ng ilang lokal na pamahalaan.

Sa bayan ng Bulalacao, ngayong hapon, bagama’t malayo pa ang Bagyong Tino, pabugso- bugso na ang malakas na pag-ulan na may kasamang hangin. Halos mag-zero visibility sa National Highway habang binabagtas ng news team ang kahabaan nito. Sa bahagi ng Brgy. Budburan sa Mansalay, umapaw ang tubig sa highway.

Samantala, dinatnan ng grupo ng PIO ang Council Meeting ng LGU Bulalacao na personal na pinangunahan ni Mayor Lumel Cabagay. Kaugnay ito ng koordinasyon at paghahanda para sa posibleng epekto ng bagyo. Pinasalamatan naman niya ang maagap na mensahe ni Governor Dolor sa kanya kaugnay sa kahandaan ng Pamahalaang Panlalawigan na umalalay at magpaabot ng mga kinakailangang tulong at suporta sakaling manalasa ang bagyong Tino sa kanilang bayan na pinakamalapit na maaapektuhan sa tinatayang direksyon ng bagyo.

Nanawagan naman ang mga awtoridad ng mga konsernadong LGU sa kanilang mga kababayan ukol sa ibayong pag-iingat sa harap ng banta ng Bagyong Tino.

#thecapitolnews#pgomintegratednewsmedia

#TinoPH

Source:https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0T9pmiM57k7TfsqnUAMErCBysNCXKuTwnQU5qcRb5SVxWQDRQFZHpXVWYsTk5xbUTl?rdid=wWKXPs29rlg52unX#

Scroll to Top