November 1, 2025 | News by PISD

𝗧𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗱𝗮𝗿𝗮𝘀𝗮𝗹 𝗯𝘂𝗺𝘂𝗵𝗼𝘀 𝗺𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝗮𝗸𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝘂𝗹𝗮𝗻
1 Nobyembre 2025, Del Pilar, Naujan – Hindi alintana ang buhos ng malakas na ulan sa mga pamilyang nag-aalay ng panalangin sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas 2025.
Kahit na basang-basa na ang damit at putikin na ang paa, makikitang seryoso at taimtim na nag-aalay ng panalangin ang mga residenteng inabot ng malakas na ulan sa gitna ng kanilang pagbisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Sa bawat malalaking patak ng ulan, balewala ito dahil mas nangingibabaw ang malakas na kapangyarihang nagagawa ng panalangin.
Hindi man makasindi ng kandila dahil sa lakas ng ulan, nananatili namang maalab at nagniningas ang kanilang malalim na pananampalataya at pagmamahal.
Sa bawat sandali ng katahimikan, naririnig lamang ang pagpatak ng ulan at ang mahihinang tinig ng mga dasal.
Ang ilan naman ay ilang oras nang nakasilong sa ilalim ng payong at bubong sa mga puntod. Dito nila ipinaparamdam na kahit sa ilang oras lamang ay naiipakita nila ang kanilang presensya, pagmamahal at pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay na namayapa na.
Pagdarasal, pagsisindi ng kandila at pag-aalay ng bulaklak – ito ang nagsisilbing tanglaw ng liwanag sa mga puso ng bawat nangungulila, kahit pa sinubok ng masamang panahon. Katumbas ito ng mahigpit na yakap at pag-alala sa naiwang magagandang alaala ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sapagkat sa dulo ng bawat dasal at sa bawat patak ng ulan, nananatiling totoo ang isang bagay — ang pag-ibig ay hindi kailanman napapawi.
