October 23, 2025 | News by PISD

Isinagawa sa harap ng Oriental Mindoro Heritage Museum ang makasaysayang paglalagak ng time capsule na naglalaman ng mga mahahalagang simbolismo na kumakatawan sa katumbas ng 75 taon ng pagkakakilanlan at kasaysayan ng lalawigan ng Oriental Mindoro.
Pinangunahan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang seremonya, katuwang si Bise Gobernador Atty. Jojo Perez Jr., at ang Boy Scouts of the Philippines (BSP) – Oriental Mindoro, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fiesta MahalTaNa: Ang ika-75 Anibersaryo ng Oriental Mindoro.
Matatandaang noong ika-1 ng Setyembre, sa opisyal na pagbubukas ng nasabing pagdiriwang, inilagay sa time capsule ang mga bagay na may malalim na pagpapakahulugan mula sa iba’t ibang sektor sa lalawigan, bilang mga sagisag ng pagkakaisa at pakikibahagi sa kasalukuyang kaunlaran ng lalawigan.
Muling huhukayin ang time capsule pagdating ng ika-100 Anibersaryo ng Oriental Mindoro makalipas ang 25 taon, bilang paalala ng pinagmulan, tagumpay, at pangarap ng mga Oriental Mindoreño para sa mga susunod na henerasyon.
