October 23, 2025 | News by PISD

Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Oriental Mindoro ang pagwasak sa kabuuang P496,972.00 na halaga ng mga substandard at hindi sertipikadong mga produkto na nakumpiska sa iba’t- ibang establisyamento sa lalawigan.
Sa isinagawang disposal activity na pinangunahan ni DTI Provincial Director Arnel Hutalla katuwang ang CENRO-Calapan sa Barangay Guinobatan, Lungsod ng Calapan, layunin na maiwasan ang anumang aberya o aksidenteng dulot ng paggamit sa mga producktong mababa ang kalidad at hindi sumusunod sa mga itinakdang pamantayan sa merkado.
Kabilang sa mga nakumpiska at winasak ng DTI-Regional and Provincial Monitoring and Enforcement Teams na mga produkto ang monoblock chairs, PVC pipes, home appliances tulad ng electric fan, multi-cooker, blender, rice cooker, washing machine at low carbon steel wires, electrical items, at iba pa na nakumpiska mula sa humigit-kumulang 30 tindahan sa buong Oriental Mindoro.
Sa pagpasok ng Ber-months at papalapit na Kapaskuhan, muli namang pinaalalahanan ng DTI- Oriental Mindoro ang publiko na huwag tangkilikin o bumili ng mga substandard na produkto.
Ayon kay Provincial Director Hutalla, tuluy-tuloy ang kanilang operasyon at mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyong itinakda ng Bureau of Philippine Standards (BPS) alinsunod sa Republic Act No. 4109 o “Standards Law.”
Bahagi ito ng konkretong hakbang ng DTI upang sugpuin ang bentahan ng mga produktong hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan ng kalidad at kaligtasan.
Binigyang-diin din ni PD Hutalla ang kahalagahan ng pagiging mapanuri ng mga mamimili, at pinayuhang palaging hanapin ang Philippine Standard (PS) mark o Import Commodity Clearance (ICC) sticker bago bumili ng mga kagamitang elektrikal at mga materyales sa konstruksyon.
Ang gawain ay alinsunod na rin sa Republic Act No. 7394 o ang “Consumer Act of the Philippines” na nagtatakda ng kaukulang parusa para sa mga negosyanteng mapatutunayang lumalabag at patuloy na nagbebenta ng mga substandard na produkto.
