October 23, 2025 | News by PISD

Binuksan na sa publiko ngayong ika-23 ng Oktubre ang Monumento ni dating Gobernador Arturo A. Ignacio na matatagpuan sa Plaza del Gobernador: Ang Liwasan ng Mamamayan sa Barangay Camilmil, Lungsod ng Calapan.
Magkakatuwang na pinangunahan nina Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor , Bise-Gobernador Antonio CA Jojo Perez at dating Gobernador Benjamin “Chippy” Espiritu ang unveiling ng monumento, na sinundan ng wreath laying ceremony bilang tanda ng paggalang at pagpupugay sa yumaong lider.
“Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, ay hindi nakararating sa paroroonan.” Ganito ipinahayag ni Gobernador Dolor ang kanyang malugod na pagtanggap sa donasyon ng Gov. Arturo Arce Ignacio Sr. Foundation Inc. sa pangunguna ni dating Gobernador Espiritu na statue ni dating Gobernador Ignacio at ito ay maitayo sa Plaza del Gobernador.
Ang nasabing monumento ay itinayo bilang pagkilala kay dating Gob. Ignacio partikular sa kanyang maayos na pamamahala, tapat na paglilingkod at de-kalidad na liderato noong kanyang panunungkulan bilang Gobernador simula pa noong 1928 hanggang 1947 (apat na termino) na dapat ipagbunyi at tularan ayon kay Gobernador Dolor.
Sa pagtatayo ng monumento, hangad ng Pamahalaang Panlalawigan na mapanatili ang alaala ng mga lider na naglingkod nang may puso at dedikasyon, at higit pang paigtingin ang pagpapahalaga sa kasaysayan at pamana ng Oriental Mindoro.
