October 23, 2025 | News by PISD

Nasabat ng Provincial Veterinary Office (ProVet) katuwang ang Veterinary Quarantine Station – MIMAROPA ang 84 na kahon ng karne na itinuturing na ilegal na frozen products na may kabuuang halagang P246,110.00 lulan ng isang 10-wheeler truck sa Barangay Salong, Lungsod ng Calapan ngayong ika-23 ng Oktubre.
Ayon kay Dr. Anna Rochelle A. Boongaling, Veterinarian IV ng ProVet, walang naipakitang kaukulang dokumento ang driver ng truck, ito ay malinaw na paglabag sa Provincial Ordinance No. 118 series of 2020 o Veterinary Quarantine Ordinance of Oriental Mindoro gayundin sa Department of Agriculture (DA) Administrative Order No. 05 series of 2019 na nagtatakda ng Guidelines on the Local Transport/Shipment of Animals, Animal Products and By-products, at iba pang issuances na kasalukuyang ipinatutupad sa lalawigan.
Batay sa naging pahayag ng driver ng truck, galing ito sa Lipa, Batangas at nakatakdang i-deliver ngayong araw sa isang magtitinda ng karne sa Barangay Salong, Lungsod ng Calapan. Naaktuhan naman ng Veterinary Quarantine Station – MIMAROPA ang aktwal na pagbababa ng mga kahon ng karne kung kaya’t doon sila naalarma at kaagad nakipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang masabat ito.
Naging kapansin-pansin na ang mga kahon ng nasabat na karne ay nasa pagitan ng mga prutas at iba pang kargamento na dapat sana ay lulan ito ng isang reefer van na angkop ang temperatura para rito.
Nakikipagtulungan na ang ProVet sa City Government of Calapan para sa nakatakdang pagbabaon ng mga nakumpiskang karne para maiwasan ang kontaminasyon lalo pa at natunaw na ang yelo sa mga karne. Ito ay alinsunod din sa proper disposal method ng DA na nakasaaad sa Administrative Order No. 05 series of 2019.
Nananawagan naman ang Provet sa publiko at mga negosyante sa mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa pag-aangkat, pagbibiyahe at pagbebenta ng mga produktong karne upang maiwasan ang paglabag at posibleng kaparusahan, at ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit sa mga alagang hayop at maging sa mga tao.
