𝗠𝗔𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧 𝗣𝟯.𝟵𝗠 𝗛𝗢𝗨𝗦𝗜𝗡𝗚 𝗔𝗦𝗦𝗜𝗦𝗧𝗔𝗡𝗖𝗘 𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗠𝗔𝗛𝗔𝗚𝗜 𝗡𝗚 𝗗𝗦𝗪𝗗 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗜𝗟𝗬𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗦𝗔𝗟𝗔𝗡𝗧𝗔 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗚𝗬𝗢𝗡𝗚 𝗢𝗣𝗢𝗡𝗚

October 23, 2025 | News by PISD

Katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan at Pamahalaang Lungsod ng Calapan, namahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng mahigit P3.9M housing cash assistance sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Opong sa bayan ng Naujan at Lungsod Calapan.

Ang naturang inisyatiba ay bunga ng maagap na pakikipag-ugnayan ni Governor Bonz Dolor sa Pamahalaang Nasyunal, upang matiyak ang agarang pagdating ng tulong sa mga pamilyang nawalan o nasiraan ng tirahan dahil sa mga nagdaang kalamidad.

Sa bayan ng Naujan, umabot sa 323 pamilya mula sa 27 mga barangay ang nakatanggap ng cash bilang housing assistance na may kabuuang halaga na mahigit P1.8M. Kabilang sa mga ito ang mga tahanang partially at totally damaged bunsod ng pananalasa ng bagyong Opong. Layunin ng programa na tulungan ang mga apektadong pamilya na muling makapagsimula at makabangon mula sa pinsala.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa naging tugon ng pamahalaan para sa kanila. Anila, malaking tulong ang natanggap na housing assistance upang makabili sila ng mga materyales sa muling pagpapatayo ng kanilang mga tahanan at mapagsisimulan ng panibagong kabuhayan.

Samantala, sa Lungsod ng Calapan, nabigyan naman ng housing assistance ang 582 pamilya mula sa 33 mga barangay, na may kabuuang halagang mahigit P2.1 milyon. Ang tulong ay bahagi ng recovery efforts ng Pamahalaang Nasyunal upang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga komunidad na sinalanta ng bagyong Opong.

Ayon sa DSWD, ang halaga ng tulong na ipinagkaloob ay nakabatay sa uri ng pinsalang tinamo ng bawat bahay, kung ito ay partially damaged o totally damaged, alinsunod sa itinakdang Disaster Response Operations Procedure (DROP) ng ahensya.

Patuloy namang nakikipagtulungan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa ilalim ng administrasyon ni Governor Bonz Dolor sa mga konsernadong indibidwal at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang tuluy-tuloy na pagdating ng mga programa at serbisyong makatutulong sa mga mamamayang apektado ng mga nagdaang kalamidad.

#TheCapitolNews

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid02n62tm4hEMwxhn82QMT1UXXEQQ2Yk9qN7QEK4dGjJTfffkYhCLRtChQXGX8nEWa9Wl?rdid=6lJRHfF66DRXcznE#

Scroll to Top