𝗞𝗮𝗺𝗽𝗮𝗻𝘆𝗮 𝗟𝗮𝗯𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗶𝗻𝗶𝗴𝗮𝗿𝗶𝗹𝘆𝗼 – 𝗵𝗶𝗴𝗶𝘁 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗶𝗶𝗴𝘁𝗶𝗻𝗴𝗶𝗻 𝘀𝗮 𝗢𝗿𝗶𝗲𝗻𝘁𝗮𝗹 𝗠𝗶𝗻𝗱𝗼𝗿𝗼

October 20, 2025 | News by PISD

Pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) ang pagsasagawa ng Stakeholders’ Meeting kaugnay ng pagpapatupad ng Provincial Ordinance No. 178-2024, na naglalayong palakasin ang kampanya laban sa pagsisigarilyo, tobacco, e-cigarettes at iba pang gawaing kaugnay nito sa Tamaraw Hall ngayong 20 Oktubre 2025.

Bilang panimulang bahagi ng programa, nagbigay ng mensahe si Dr. Cielo Angela A. Ante, Provincial Health Officer II, OIC Chief of Hospital (OMPH) na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang matiyak ang maayos na implementasyon ng ordinansa.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Panlalawigan, Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Health Facilities, at iba pa.

Dumalo rin si Board Member Faye Ilano, Committee on Women and Gender Equality, Welfare of Children and Family Relations at Committee on Good Government, Public Ethics and Accountability and Government Enterprise, na kabilang sa mga nagsulong ng nasabing ordinansa. Ipinahayag niya ang patuloy na suporta ng Sangguniang Panlalawigan sa mga programang pangkalusugan, lalo na sa pagpapatupad ng mga patakaran na naglalayong bawasan at tuluyang maiwasan ang paggamit ng sigarilyo, lalo na sa mga pampublikong lugar.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga mahahalagang probisyon at mga panukalang pag-amyenda ng Provincial Ordinance No. 178-2024, kabilang ang mga regulasyon sa mga smoke-free public spaces, pagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo sa mga menor de edad, pagpapatupad ng mas mahigpit na anti-smoking campaign, at pagtalakay ng mga multa at suspensyon para sa mga lalabag.

Ibinahagi rin ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ang kanilang mga obserbasyon, suhestiyon, at karanasan hinggil sa pagpapatupad ng mga batas laban sa paninigarilyo, upang higit pang mapagtibay ang mga programang pangkalusugan at maitaguyod ang isang malusog at ligtas na kapaligiran para sa lahat ng mamamayan ng Oriental Mindoro.

#TheCapitolNews

Source: https://www.facebook.com/orminpio/posts/pfbid0seK1iBcpDTVwuie3SMdzH9sqbGjpGP26VNCyjF1qmg2JzsUU3HVr1TvibgoMJcbfl?rdid=KX8qcIOANkRbg7XY#

Scroll to Top