September 27, 2025 | News by PISD

Matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong, agad na binisita ni Provincial Health Officer (PHO) Dr. Cielo Angela Ante, kasama ang mga kawani ng PHO, ang ilang satellite hospital sa lalawigan upang masuri ang pinsalang dulot ng bagyo at agarang matugunan ang mga pangangailangan sa sektor ng kalusugan.
Sa Oriental Mindoro Central District Hospital (OMCDH) sa bayan ng Pinamalayan, tumambad sa grupo ang ilang sirang istruktura at kagamitang naapektuhan ng bagyo. Kaagad itong iniulat ni Dr. Ante sa mga kinauukulang ahensya ng Pamahalaang Panlalawigan upang maisaayos at mapondohan ang kinakailangang pagkukumpuni. Layon nitong mapanatili ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga Mindoreño.
Matapos nito, nagtungo rin ang grupo sa Municipal Health Office (MHO) ng naturang bayan. Sa pangunguna nina Dr. Ante at MHO Dr. Nina Kristine D. Punzalan, sinuri ang kalagayan ng mga pasyente, maging ang estado ng suplay ng mga gamot, at ang iba pang pangangailangang medikal ng pasilidad. Nag-abot rin si Dr. Ante ng mga health and nutrition commodities bilang bahagi ng emergency response ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga naapektuhang pasyente.
Ang serye ng mga pagbisita ay bahagi ng mas pinatibay na pakikipagtulungan ng PHO sa iba’t ibang tanggapan ng Kapitolyo upang matiyak ang kaligtasan, kalusugan, at kagalingan ng mga mamamayan sa tuwing may kalamidad na tumatama sa lalawigan.
PHOTOS: PHO Oriental Mindoro
