September 23, 2025 | News by PISD

Bilang bahagi ng programang mekanisasyon sa mga kagamitang agrikultural ng mga magsasaka, pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ang pamamahagi ng four-wheel tractor with implements at Village Level Rice Mill sa mga samahan at kooperatiba ng mga magsasaka sa isla ng Mindoro.
Pinangunahan ni PhilMech Director IV, Dr. Dionisio G. Alvindia kasama sina Gobernador Humerlito โBonzโ A. Dolor at Naujan Municipal Mayor Henry Joel C. Teves ang isinagawang ribbon cutting at ang pamamahagi ng mga makabagong makinaryang pansakahan. Kabilang sa tumanggap nito ang 12 samahan at kooperatiba ng mga magsasaka sa Oriental Mindoro na may kabuuang halagang Php. 20,196,985.18. Bukod dito, umabot naman sa halagang Php. 21,599,933.31 ang naipagkaloob sa siyam (9) na samahan ng mga magsasaka at kooperatiba sa Occidental Mindoro.
Ang mekanisasyon ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at matulungan ang mga magsasaka na maging mas produktibo. Layunin nitong pataasin ang produksyon ng mga produktong agrikultura habang pinapababa naman ang production cost. Sa ganitong paraan, lalaki ang kita ng mga magsasaka at magkakaroon sila nang mas maayos na hanapbuhay.
Samantala, naging tampok din sa gawin ang demonstrasyon ng mga makabagong teknolohiya at kagamitan sa pagsasaka ng Korea Agricultural Machinery Industry Cooperative (KAMICO) sa pamamagitan ng Mechanization Roadshow 2025. Ilan dito ang precision rice seeder with fertilizer applicator, Vinyl mulcher, plow, weeder at iba pa.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Gobernador Dolor ang DA at ang PhilMech dahil aniya, sa milyun-milyong halaga ng mga makinarya at pasilidad na ipinagkaloob ng mga ito sa lalawigan ng Oriental Mindoro simula pa noong 2019.
Umabot na sa humigit kumulang Php. 700M ang halaga ng mga naipagkaloob na makabagong kagamitan sa pagsasaka at pasilidad ang PhilMech sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) mula taong 2019 hanggang 2025.
Sa pamamagitan ni DA Regional Technical Director for Operations Vener Dilig, ipinaabot niya ang mensahe ng pagbati ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa lahat ng mga samahan at kooperatiba na mapalad na nakatanggap ng mga makabagong makinarya.
Panibagong pag-asa at malaking oportunidad ang tinatanaw ngayon ng mga magsasaka ng Mindoro dahil sa benepisyong hatid ng mga bagong makinaryang ito na inaasahang mag-aangat sa kanilang kabuhayan.
