September 18, 2025 | News by PISD

Nakikiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pagdiriwang ng World Bamboo Day ngayong araw.
Kaugnay nito, pinangunahan ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ang pagtatanim ng mga puno ng kawayan at iba pang native trees sa pakikipagtuwang sa LGU Bulalacao.
Ayon kay PG-ENRO OIC EnP. Lily May Lim, isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng kanilang tanggapan ang mga programa para sa pagpapalakas ng industriya ng kawayan sa lalawigan.
Pasasalamat ang ipinaabot ng LGU Bulalacao sa pamamagitan ni Municipal Environment and Natural Resources Officer Mafel Myda Gonzales dahil napili ang kanilang bayan na maging venue ng tree planting activity.
Nakiisa rin sa pagtatanim ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Provincial GAD Focal Point System-TWG ng Kapitolyo, mga kawani ng Bulalacao Community Hospital, kawani ng Kapitolyo, at mga taga barangay.
Samantala, ang naturang gawain ay bahagi pa rin ng pakikiisa ng Oriental Mindoro sa selebrasyon ng 125th Philippine Civil Service Anniversary ngayong buwan ng Setyembre.
