September 16, 2025 | News by PISD

Nagbigay ng libreng spay and castration para sa mga aso at pusa ang Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (ProVet), sa Calapan City, Plaza Pavillion.
Katuwang ng ProVet ang Calapan City Veterinary Office, Marinduque Veterinary Office, Palawan Veterinary Office kasama ang ilang volunteers sa pribadong klinika. Tinatayang nasa humigit kumulang 300 na aso’t pusa ang sumailalim sa spay and castration procedure.
Ayon kay Dr. Alfredo Manglicmot โ OIC ng Provincial Veterinarian Office, malaki ang benepisyo para sa mga alagang hayop ng naturang gawain. Ang inisyatibong ito ay naglalayong makatulong sa pagkontrol ng populasyon ng mga aso at pusa sa lungsod, gayundin upang itaguyod ang reponsableng pag-aalaga ng hayop.
Ayon naman sa pet owner na si Denise Pascual ng Barangay Canubing, โKailangan nating i-undergo ang mga pets natin sa pagkakapon. Una, sila ang magbebenefit para mapanatili natin silang healthy at para na rin sa benefit natin as pet owners. Hinihikayat ko rin na responsibility ng mga owners na alagaan ang ating mga pets.โ
Ang programang ito ay itinuturing na mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas ligtas at mas maayos na komunidad, habang isinusulong ang kapakanan at tamang pag-aalaga sa alagang hayop sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Samantala, batay sa opisyal na tala ng ProVet, umabot sa 567 na mga alagang aso at pusa ang nakinabang sa libreng kapon na isinagawa sa lungsod ng Calapan kabilang ang barangay Camilmil at Ibaba East, at sa bayan ng Puerto Galera naman kasama ang barangay ng Tabinay, Poblacion at San Antonio mula Setyembre 15 hanggang Setyembre 20, 2025.
