September 9, 2025 | News by PISD

Ipinaliwanag ng PhilHealth Chief Social Insurance Officer (CSI Officer) Ma. Neresa C. Reganit ang mga bagong programa at pinalawak na benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa isinagawang Kapihan sa Oriental Mindoro ng Philippine Information Agency (PIA) MIMAROPA ngayong araw, Setyembre 9.
Kabilang sa mga tinalakay ang Yaman at Kalusugan Alay sa Pamilyang Pilipino (YAKAP) Program, kung saan nakapaloob ang Konsulta Package, PhilHealth Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT), at iba pang programa na naglalayong magbigay ng mas malawak na serbisyong pangkalusugan gaya ng libreng dialysis, cancer screening, maintenance medicines, primary care services, at iba pang benepisyo.
Ayon kay Reganit, bilang tugon sa direktiba ng kasalukuyang pamahalaan, epektibo nitong Agosto 2025, inilunsad ang PhilHealth GAMOT Program na may ₱20,000 annual benefit limit per beneficiary. Maaaring gamitin ang benepisyong ito sa mga PhilHealth-accredited local drugstores, basta’t nakarehistro ang miyembro sa YAKAP program at may reseta mula sa isang PhilHealth-accredited doctor.
Sa kasalukuyan, tatlong lokal na botika pa lamang sa Oriental Mindoro ang nagsumite ng aplikasyon para sa akreditasyon. Dahil dito, hinikayat ni Reganit ang iba pang drugstore owners at mga asosasyon ng botika sa lalawigan na magpa-accredit sa PhilHealth upang mapalawak ang access ng publiko sa programa.
Samantala, 37 YAKAP Clinics na ang na-accredit sa Oriental Mindoro kabilang ang Oriental Mindoro Provincial Hospital, MMG Hospital, Luna Goco Medical Center, Ma. Estrella General Hospital, Sta. Maria Village Hospital, St. Therese of Avila Diagnostic and Medical Center, St. Rafael LabCure, mga Rural Health Units (RHUs) sa bawat bayan, at iba pang pribadong ospital. Ang mga ito ang tatanggap ng mga pasyente para sa Konsulta Package at YAKAP benefits na may kasamang libreng konsultasyon, laboratory tests, screening, at mga gamot mula sa listahan ng 75 molecules na maaaring ireseta ng PhilHealth-accredited doctors.
Ang “75 molecules” ay tumutukoy sa 75 uri ng mahahalagang libreng gamot na kabilang sa PhilHealth GAMOT package, na layong tugunan ang mga pangkaraniwang sakit gaya ng diabetes, hypertension, sakit sa puso, hika, at iba pa.
Bukod dito, tinalakay din ni Reganit ang iba pang benepisyo ng PhilHealth tulad ng animal bite treatment at ang Z package para sa mga inpatient cases. Nakapaloob naman sa Z package ang espesyal na benepisyo na naglalayong sagutin ang gastusin para sa mga sakit na itinuturing na “catastrophic”, ibig sabihin, mga karamdaman na sobrang mahal gamutin at maaaring magdulot ng matinding kahirapan sa pamilya kung walang tulong pinansyal.
Pangunahing layunin nitong tumulong sa mga miyembrong may malubhang sakit na nangangailangan ng komplikadong gamutan at matagal na pagpapagamot. Bawasan o tanggalin ang “out-of-pocket expenses”
at bigyan ng kumpletong treatment support mula diagnosis hanggang follow-up care.
Mga pangunahing saklaw nito ang karaniwang sakit tulad ng cancer sa breast, prostate, cervical, colon, leukemia, etc., kidney failure para sa dialysis at kidney transplant; heart surgeries tulad ng bypass, congenital conditions sa bata katulad ng butas sa puso; orthopedic issues tulad ng prosthetics, implants, disabilities o ang Z-MORPH, tulong para sa mga may kapansanan, premature babies at ilang rare diseases.
Sinabi ni Reganit na 92% na ng populasyon sa Oriental Mindoro ay saklaw na ng PhilHealth samantalang patuloy ang pagsisikap ng kanilang ahensya na maabot ang 100% coverage upang masiguro na walang Pilipino o Oriental Mindoreño ang maiiwan pagdating sa serbisyong pangkalusugan. Kaakibat naman nito ang pagasasagawa ng mga Caravan sa mga lugar na prayoridad nilang mapuntahan.
Sa pagtatapos ng talakayan kasama ang mga mamamahayag sa lalawigan, tiniyak ni CSI Officer Reganit na patuloy ang PhilHealth sa pagbibigay ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, alinsunod sa mandato ng kanilang ahensya.
Samantala, kaagapay ni CSI Officer Reganit sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon ukol sa mga programa ng kanilang ahensya sina Philhealth Marketing & Information Officer Eleanor B. Vergara, Contribution & Information Officer Ruel M. Caringal at Claims & Information Officer Lovelyn D.Dolor.
Source: https://www.facebook.com/watch/?v=1265858732005097&rdid=yZMKCD8RVlqKNjsC
